



Isang lugar ang aking natanaw
Nababalot ng hiwaga at balintataw
Sa umaga at gabi o buong araw
Ay nabubuo ang sarili kong pananaw
Nang pasukin ko ang mundong ito
Nakita ang magkakaibang pagkatao
Hindi ko alam ang sinasabi ng puso
Na wari’y sumisigaw sa aking natanto
Sila ang binhi at pinagmulan
Ng mga lahi ng kanilang magiging angkan
Subalit nasaan at di masilayan
Binhi ng kanilang pinagyabungan
Iba’t iba ang kwento ng kanilang pag-iisa
Tumitibag ng dibdib, sumusugat ng pag-asa
Nagbibigay katanungan, humihingi ng salita
At mga dahilan, kung bakit sila inulila
Umalingawngaw ang hikbi ng isang lola
Sumasagitsit ang pagtangis ng tulad nilang ina
Hinahanap ang pag-aaruga ng dating barkada
Bumabalik ang pag-uugaling wari’y isang bata
Mama nasaan ka? Ang kaniyang sinasabi
Totoy wag mo akong iwan, bigkas ng nagsisisi
Sa ilalim ng tulay doon siya iniwan at lumagi
Kung siya’y pusang gala, sino pa ang magsisilbi?
Ang isa nama’y umawit at inalala
Ang kaniyang kabatan na kahali-halina
PagkAkasala sa pag-ibig na di sinasadya
Sa desisyong iyon, pamilya niya’y nawala
Kasalanan ba nila ang pinili nilang desisyon?
Sa pagkakataong iyon, hindi na sila makakabangon?
Binigyan nyo ba sila ng muli pang pagkakataon?
Kung hindi’y mas pinili mo ba ,ang buhay nila ngayon?
Hindi ninyo nakikita ang kanilang tinitiis
Hinihimas ang kapirasong unan, at doon tumatangis
Yumuyuko ng sandali, dila’y numinipis
Na susundan ng paghikbing pumapahilis
Kaya’t ang aking tanong sa aking sarili
Kung wala ang Kiwanis, sino pa ang kakandili?
Kung walang kikilos sino pang magsisilbi?
Ano na ang kanilang buhay kung sila’y nasa tabi-tabi.
Kasalanan ba nila ang kanilang pagtanda?
Na nawala ang gandang tulad ng isang bata
At ang ugaling matino unti-unting nawawala
Wala na ba silang silbi, wala ka na rin bang mapapala?
Sana’y loobin pang matanaw nila ang buhay na masaya
Na sa bawat sandali ay may pagngiti't tuwa
Sa sandali pang natitira, hindi pagkakasakit ang dala
Hindi ang sama ng loob, paghikbi at pagluha.
Ito ang mga bagay na aking natanaw
Nang makapiling ang mga lola sa loob ng ilang araw
Kaya sa pamamagitan nito , aking ibinabatingaw
Saloobin ng mga lolang Sumasagitsit..umaalingawngaw.
