Saturday, June 20, 2009

"nakaraan...Isang pagtangis"


I
Minsan ako’y nangarap na mag-isa
Na sa aking paglalakad ay may makakasama
Sa bawat katuwaan, paghikbi at pagluha
Kabalikat sa panahong, tuhod ay manghihina
II
Minsan na syang dumaan sa aking buhay
Binigyang kasiyahan, binigyan ng saysay
Sa masalimuot kung mundo, nagsilbi syang tulay
Sa bawat panahon sya’y nanatiling umaalalay
III
Subalit sinubok ang aming katatagan
Dinaluyong ng pasakit ang aming pagkakaibigan
Binuhusan ng panlalamig ang mundong ginagalawan
Tinik may inilatag sa bawat naming dinadaanan
IV
Sa pagkakataong iyon… hindi kami sumuko
Sa bawat sandali hindi nya ako binigo
Nananatili ang lakas at tibay ng puso
Nananaig ang tiwala…pagmamahal ay di lumayo
V
Subalit anong aking gagawin,kung pangarap nya’y mawawala
Anong aking susundin, kung ang pamilya nya’y nagmamakaawa
Isa laban sa lahat… may ligaya ba akong mapapala?
Kung piliin man nya ako,mas marami namang nagluluksa
VI
Masakit… ang ginawa kong desisyon
Na iwan ang kaibigan na sa akin ay umampon
Sa panahon ng kabiguan,sa panahon ng daluyong
Na dumaan sa aking buhay na kapwa namin sinalubong
VII
Maging siya ay di nakayanan
Ang pagtangis ng luha sa bawat araw na nagdaraan
Sa mundong apat na taon naming pinagsamahan
Nagising kang… di na sya ang nasa ‘yong harapan
VIII
Sino nga ba ang nakakaalam ng labis naming hinagpis?
Ni di ko rin namamalayan ang labis nyang pagtangis?
Ni di rin niya alam ang bawat sandali kung tiniis,
Ang ipagpalit ang mundong kay pait..na dating ubod tamis
IX
Lumipas ang tatlong taon… kami’y muling nagkatagpo
Masasakit na salita ang sa bawat tenga ko’y pumalo
Bumibigat yaring dibdib at unti-unting gumuguho
Ang pagkakaibigang minsan naming binuo
X
Ginawa mo akong aso… ang kaniyang sinabi
Anong pagkukulang ko?.ang dagdag niyang paghikbi
Sinira mong pangarap ko? paulit-ulit niyang paninisi
Bakit mo ako iniwan? Na nagpawala na ng aking ngiti
XI
Isang napakahalagang bagay ang aking napagtanto
Nang dumating pala ako sa kanyang buhay, pagkatao nya’y nabuo
Ibinalik ko ang ngiti…pag-asa’t sigla ng puso
Nang isang taong dalawampung taon na sa pagkalungkot ay nakabilanggo…
12:03 am…jaysonbsantos(061306)
(Ang ginawa kung tulang ito ay matagal na panahon na. Masasabi kung magpahanggang ngayon nananatili ang ala-ala ng aking "bestfriend na si Kuya nico, kung anuman ako ngayon sa aking ugali ay malaki ang naiambag niya sa aking pakikipagkapwa tao, pagpapahalaga sa bawat tao at higit sa lahat sa aking PAGKATAO. Maraming bagay ang aking natutunan sa apat na taon ng aming pinagsamahan bilang magbestfriend. Hindi man kami nagkakausap magpahanggang ngayon, masasabi kung hindi siya kailanman nawala sa pagkatao ko. Sa mga makakabasa ng "post" na ito ang aking maipapayo..."kapag may mga taong dumating sa inyong buhay at naramdaman nyo at napatunayan nyo kung gaano kayo kahalaga sa kanya o sa kanila, wag na ninyong hayaan na ikaw ay gumawa pa ng paraan upang isailalim pa sila sa pagsubok ng pagtatampo,pagkagalit upang maramdaman o malaman nyo lang kung gaano nga ba kalaki o kahaba ang pasensya nila para sa inyo.Tandaan... huwag nating hayaang dumating ang panahon na mapagod ang taong yon sa pang-uunawa sa atin. "Maunawain o pagkabait-bait man ng isang tao...sila'y MARUNONG MAPAGOD DIN"

No comments:

Post a Comment